Sabado, Disyembre 13, 2014

Ikaanim na Linggo: Elehiya, Dalit at Oda

Disyembre 9-12:

           Tatlong araw sa linggong ito ay wala si Gng. Mixto, kaya’t ang kanyang asawa na si G. Mixto ang nagturo sa amin.  Kami ay nagkaroon ng 4 na gawain. Ang una ay ang pag-unawa sa aming binasang akda na "Elehiya sa Kamatayn ni Kuya" sa pamamagitan ng pagsagot sa mga katanungan. Ikalawa ay ang pagbabasa sa "Ang mga Dalit Kay Maria" at pagsagot din sa mga katanungan ukol dito. Ang ikatlo naman ay ang paghahambing sa dalawang akda gamit ang iba’t-ibang element tulad ng Tema, Layon ng may-akda, Antong tula, Damdaming Naghahari, Kaugalian at Wikang Ginamit, na amin ding magsisilbing takdang-aralin. At ang pang-apat ay ang pagbabasa at pag-unawa rin sa tulang "Kung tuyo na ang luha mo aking Bayan" ni Amado V. Hernandez at ang pagsagot din sa mga katanungan na may kinalaman ditto. Sa pagbalik naman ni Gng. Mixto sa huling araw ng linggong ito ay nagkaroon kami ng talakayan. Ito ay ukol sa Elehiya, Dalit at Oda. Ang “ELEHIYA” ay isang tulang liriko na tungkol sa kamatayan ng isang mahal sa buhay at pagsasariwa sa kanyang mga alaala. Samantalang, ang “DALIT” ay tulang awit din na binubuo ng walong pantig bawat taludtod, apat na taludtod bawat saknong at may isang tugmaan. Ito rin ay pumupuri at nagtatangi sa Dyos at sa Birhen. Habang ang “ODA”  ay isang uri rin ng tulang liriko na nilampatan ng tono na pumupuri at pumaparangal sa dakilang gawain o tao. At dito nagtatapos ang aming panibagong linggo sa pagtalakay sa “Panitikang Pilipino at Asyano”.

Lunes, Disyembre 8, 2014

Takdang Aralin

  Takdang Aralin:
      Ano ang gagawin mo para mapadama ang iyong pagmamahal sa iyong mahal sa buhay?

Sagot:
          Ang pagmamahal ay isang salitang malaki ang saklaw at malalim ang kahulugan. Ito ay hindi agad naibibigay sa kung sinu-sino. Pero, kapag ito naman ay naibigay mo na ay hindi nararamdaman ng mga taong gusto mong makadama nito. Kaya, ano ang iyong gagawin upang maramdaman ng mga mahal mo sa buhay ang iyong pagmamahal sa kanila?
          Kung ako naman ang tatanungin , ipapadama ko ito sa kanila sa pamamagitan ng pag-aalaga’t pag-aaruga. Aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga nila sa akin simula noong ako’y bata pa hanggang sa kasalukuyan. Aarugain ko sila kapag sila’y tumanda na at hindi iiwan kahit ano pang mangyari. Hahabaan ko rin ang aking pasensya sa kanila kapag sila ay tumanda na dahil parte ito ng pagtaas ng kanilang edad, at iintindihin sa kahit anong magawa nila.

          Pero , sa ganitong edad ko at edad nila ay maipapakita ko ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti. Ako ay mag-aaral ng mabuti nang sa gayon ay makahanap ako ng magandang trabaho pagdating ng panahon at upang mabigyan sila ng magandang buhay. Gagawin ko rin ito upang maging “proud” sila sa akin. Susuklian ko ang lahat ng sakripisyo at pagmamahal na kanilang ibinigay. Sa ganitong mga paraan ko ipapadama ang aking pagmamahal sa kanila. 

Biyernes, Disyembre 5, 2014

Ikalimang Linggo: Elehiya



Disyembre 2-5 :
 Ang unang bagay na ginawa namin ngayong linggo ay ang pagbabalik aral sa aming huling aralin na Parabula at Talinghaga. Kami ay nagkaroon ng Pangkatang Gawain kung saan ay kinakailangang ikumpara namin ang Parabula sa isa pang uri ng panitikan na naatas sa amin: Pabula, Maikling Kwento, Alamat, o Epiko. Dito ay kailangang aming maibigay ang kanilang pagkakaiba at pagkakatulad. Bilang bahagi rin ng aming pagbabalik aral ay kinakailangang gumawa kami ng aming sariling Talinhaga na mapupulutan ng aral at ang dapat lang na gamit naming  bagay ay ang mga bagay na makikita sa 4-na-sulok ng aming silid-aralan at ang mga gamit pang-eskwela.  

Natapos naman naming ang aralin na ito nang maayos. Kaya’t nagtungo na kami sa aming sunod na aralin: Elehiya. Ito ay tulang liriko na tumatalakay sa kamatayan ng isang tao at gumagamit ng angkop na damdamin.  Kaugnay nito ay nagkaroon kami ng kasunduan, ito ay ang pagkakaroon ng kopya ng “Elehiya sa Kamatayan ng Aking Kapatid” na may iba’t iba pa lang bersyon sa Filipino. Binasa naming ito at inintinding mabuti. Sa kasalukuyan ay iyan pa lang an gaming natatalakay tungkol sa Elehiya.