Linggo, Pebrero 22, 2015

Ikaanim na Linggo


     Pebrero 17-20:

            Pag-uulat, ito muli ang ginawa namin sa loob ng linggong ito. Matapos ang pag-uulat noong nakaraang linggo ay sinariwa namin ang mga kabanatang inulat ng iba't ibang pangkat. Upang mas lalong malaman ng aming guro na natututo kami sa pag-uulat ng bawat isa ay binigyan nya kami ng Pangkatang Gawain. Ito ay ang pagkakaroon ng isang "may pasabog" na presentasyon tungkol kay Crisostomo Ibarra. Iba't ibang paksa ang naiatas sa bawat grupo. Sa amin ay ang buhay pag-ibig ni Crisostomo Ibarra, sa ibang grupo ay tungkol sa banta sa buhay niya, hangarin nya at kung anu-ano pa.? Buong akala namin na kinabukasan na ito iuulat ngunit nagkamali kami. Noong araw ring iyon ay pinapunta kami ng aming guro sa kanya kanya naming grupo upang pagplanuhan ito. Pero, dahil ubos na rin ang aming oras ay kinabukasan na nga sa amin iyon pinaulat.
        Dahil nga sa laging ang Pangkat 1 ang nauuna sa pag-uulat ay inuna naman ng aming guro na pag-ulatin ang Pangkat 4, 3, 2, at 1. Pangkat 4 at 3 lang ang natapos mag-ulat noong Miyerkules kaya Biyernes na itinuloy ang pag-uulat ng dalawa pang pangkat dahil sa walang pasok kinabukasan dahil "Chinese New Year".
        Nag-ulat na nga ang Pangkat 2 at 1. Mabilis lang ang kanilang naging pag-uulat kaya't nagkaroon pa kami ng pagkakataong balikan muli ang mga kabanatang aming natapos nang talakayin. Sa katunayan ay natapos na namin ang 29 na kabanata ni Crisostomo Ibarra sa nobela kaya't inaasahan naming ang iba namang tauhan sa nobela ang aming sunod na tatalakayin. Kaugnay nito ay nagkaroon kami ng takdang aralin. Ito ay ang pagguhit ng isang bagay na sumisimbolo sa isang taong malapit at malaki ang kaugnayan kay Ibarra. Ipapasa namin ito aa Martes.
   Ito ang mga ginawa namin sa linggong ito. Yan lamang po at Maraming Salamat! ;)

Sabado, Pebrero 14, 2015

Ikalimang Linggo


   Pebrero 10-13:

          Pag-uulat, ito ang ginawa namin sa buong linggong ito. Inulat ng bawat miyembro ng apat na pangkat ang bawat kabanatang naiatas sa kanila. Pitong kabanata kada grupo ang dapat na maiulat. Ang 28 na kabanatang dapat naming iulat ay ang mga kabanata ni Crisostomo Ibarra sa Noli Me Tangere.
         Unang nag-ulat sa linggong ito ay ang Pangkat 2. Dahil ang pangkat 1 ay natapos na noong nakaraang biyernes. Bago mag-ulat ang pangkat 2 ay binigyan muna kami ng aming guro ng isang pagsasanay. Sa pagsasanay na ito ay kinakailangan naming isulat ang mga "Mahahalagang Pangyayari sa Tauhang si Crisostomo Ibarra" at "Dahilan kung bakit ito mahalaga". Ang pagsasagot nito ay dapat bawat kabanatang naiulat na ng unang pangkat. Ngunit, dahil alam na ng aming guro na hindi namin ito matatapos kaya't ginawa nya na lang itong takdang aralin. Ang mga kabanatang naiulat na ng dalawang pangkat ang aming bibigyan ng kasagutan.
       Matapos mag-ulat ng Pangkat 2 ay binigay na ng aming guro ang mga kabanatang iuulat ng Pangkat 3. Natapos nang mag-ulat ang Pangkat 3. Nang sumunod na araw ay nag-ulat na rin ang Pangkat 4 ngunit, sa pagkakataong ito ay hindi lang ang Antimony ang nakasaksi sa kanilang pag-uulat ngunit pati na rin ang Hydrogen.
      Nang sumunod na araw (Biyernes) ay isinantabi muna namin ang pag-aaral sa Noli Me Tangere, ito ay dahil sa gagawa kami ng isang "card" para sa isang selebrasyon ang Araw ng mga Puso. Ngunit, sa pagkakataong ito ay isang tula ang nilalaman ng card. Maaari itong ialay sa isang tao o di kaya'y tungkol lang sa pagmamahal. Ipinasa namin ang aming gawa kay Jenica at sya na lamang ang magbibigay nito sa aming guro.
       Yan ang mga bagay na ginawa namin sa linggong ito. Maraming Salamat. :'
    

Linggo, Pebrero 8, 2015

Ikaapat na Linggo


  Pebrero 3-6:

      Unang araw sa linggo ito ay nagkaroon kami ng "Parade of Characters". Dito ay pinakilala namin ang mga tauhan sa Noli Me Tangere sa pamamagitan ng paggaya sa kanilang mga kasuotan. Sinabi rin namin ang mga sikat na linya na binitawan ng mga karakter sa nobela at papel na kanilang ginampanan dito. Natuwa naman ang aming guro sa aming naging produkto. Lalo na sa mga kamag-aral kong binigay lahat ng kanilang makakaya at isinabuhay ang pang-gagaya. Natapos ang aming unang produkto nang Matagumpay! :)
     
      Pagkatapos nito ay ipinagpatuloy namin ang aming talakayan sa mga tauhan sa nasabing nobela, partikular na kay Crisostomo Ibarra.  Inisa-isa namin ang mabubuti at masasamang ugali ni Ibarra. At kaugnay din ng pagtalakay sa mga tauhan ay nagkaroon muli kami ng  produkto. Ito ay ang paggawa ng isang liham para sa isang kaibigan. Babatiin at pupurihin mo ang iyong kaibigan sa liham, dahil sya ay bibigyang parangal ng isang istasyon sa telebisyon. Ang mapupuntahan ng liham ay ang istasyong magbibigay parangal sa kanya. Marami ang nagkamali sa nasabing liham dahil kaibigan ang kanilang sinulatan. Dahil dito ay pinaulit ng aming guro ang produktong ito sa mga nagkamali at pinapasa sa mismong araw ding iyo.
   
    Kaugnay pa rin ng pagtalakay namin sa Noli Me Tangere ay ang pagkakaroon ng pangkatang pag-uulat. Bawat grupo ay inaasahang   iuulat ang 7 kabanatang naatas sa kanila. Ang mga kabanatang ito ay hahatiin sa mga myembro ng bawat pangkat. Natapos nang mag-ulat ang unang pagkat, ang ikalawang pangkat na ang mag-uulat sa Martes.

   Yan ang mga bagay na aming ginawa sa linggong ito. Maraming Salamat! :')

Linggo, Pebrero 1, 2015

Ikatlong Linggo ng Ikaapat na Markahan


   Enero 29-30:

             Dalawang araw sa linggong ito (27-28) ay wala kami pati na rin si Gng. Mixto dahil sa RSPC. Kaya ang natitirang dalawang araw nalang ang aking bibigyan ng repleksyon.
             Sa loob ng dalawang araw ay pinag-aralan namin ang tungkol sa mga tauhan ng Noli Me Tangere.Dahil na rin sa ito ay ibinatay sa tunay na karanasan ni Rizal, binigay namin ang mga taong sinisimbolo ng bawat tauhan sa nobela:
•Maria Clara- Leonor Rivera
•Crisostomo Ibarra- Jose Rizal
•Pilosopong Tasyo-Pasiano Rizal
•Padre Damaso-Padre Antonio Piernavieja
•Kapitan Tiyago- Kapitan Hilario Sunico
•Donya Victorina -Donya Agustina Medel de Coca
•Crispin at Basilio- Magkapatid na Crisostomo
•Prayle- Mga Paring Pransiskano
    Pagkatapos aralin ang mga ito ay pinaliwanag at kinilala namin sila isa-isa, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata sa nobelang tumutukoy sa kanila. At dahil sa hindi pa namin sila lubusang kilala ay binigyan kami ng takdang aralin ng aming guro kung saan ay kinakailangan naming makilala ang ito at ang pagbabasahing muli ng kanilang kabanata sa nobela, partikular na ang mga kabanata ni Crisostomo Ibarra 

Ikalawang Linggo ng Ikaapat na Markahan


   

Enero 20-23:
 Sa linggong ito ay tinalakay namin ang Kaligirang Pangkasaysayan ng Noli Me Tangere. Dito ay nalaman namin ang mga bagay na  nagtulak kay Rizal nang pagsulat nya ng nasabing nobela. At ito ay ang “Pagkalugi ng Galleon Trade”, “Pagkakaroon ng di matatag na pamahalaan” at ang “Paglaya ng iba pang kolonya ng Espanya”.  Kaugnay ng araling ito ay nagkaroon kami ng Pangkatang Gawain.  Ang bawat pangkat ay inaasahang ipaliwanag ang kaugnayan ng mga nasabing kaganapan sa pagsusulat ni Rizal ng Noli. Binigyan kami ng aming guro ng isang babasahin na makakatulong sa amin sa pagsagot ng aming Gawain.

Pinag-aralan din namin ang tungkol sa Liberalismo (Kalayaan), Equalidad (Pagkapantay-pantay) at Praternidad (Kapatiran). Dito ko natutunan na ang mga ito ay nakatulong at naging daan din sa pagkakalimbag ng Noli at pagkamit natin ng ating kalayaan.

Wala kami nina Jennica, James at Ate Camille noong ika -22 hanggang 23 ng Enero dahil sa “Division Cliniquing” para sa darating na “RSPC 2015” sa Lipa. Kaya’t hindi namin alam ang mga nangyari sa loob ng mga araw na ito. Pero, nabasa ko sa blog ng aking kamag-aral na si Ronaline (http://ronalineoliveros.blogspot.com/2015/01/ikalawang-linggo.html#comment-form) na sila ay nagkaroon ng Pangkatang Gawain na may kaugnayan sa mga akda ni Rizal, partikular na  sa “Sa aking mga Kababata” ,“Ang Tsinelas” at  “Ang Gamu-Gamo  at si Jose Rizal”. Sila rin daw ay nagkaroon ng isang debate patungkol sa tanong na: Dapat ba o di-dapat ginamit ni Rizal ang kanyang panulat sa kapakanan ng Bayan. At lahat daw di-umano ay nahirapan sa pagsagot ng katanugang ito.