Biyernes, Marso 20, 2015

Ano ang iyong masasabi sa iyong guro?



“Ang Guro Naming Istrikta”

“Oi! Nandiyan na si Maam, ayos na!”
Ayos ng mga upuan, ayos ng sarili, tago ng mga gamit sa ibabaw ng lamesa at Voila! Balik na sa normal ang lahat na parang walang nangyari.
Ganito ang sistema namin araw-araw. Tuwing naririnig namin ang yabag ng aming guro ay dali-dali kaming babalik sa aming mga normal na pwesto at mananahimik. Takot at minsang kinakabahan kami sa kanya. Ito ay dahil sa sobra niyang istrikta at minsan ay masama ang “awra”. Kapag nagbigay siya ng takdang-aralin o proyekto ay agad din naming gagawin. Kapag may Pangkatang Gawain naman ay sinisigurado naming may mga gawa kami. Sa kanyang klase ay sobrang nakikinig kami at nakikisali sa diskusyon.  Lahat din ay nakaka “relate” sa kanyang mga tinuturo kaya’t labis naming gusto ang kanyang paraan ng pagtuturo.
Sobra siyang istrikta sa aming pananalita. Ipinagbabawal niya ang pagsasalita ng anumang “English Word” sa kanyang klase. Mahigpit din siya pagdating sa pagbibigay ng petsa sa pasahan ng mga proyekto. Kailangang makapasa ka sa takdang-oras na ibinigay niya, dahil, kung hindi ay hindi na niya ito tatanggapin.
Pero, sa likod ng kanyang pagiging istrikta ay ang kanyang pagiging masayahin, mapagbiro at magandang guro. Nakikisakay siya sa mga “trip” namin sa klase at patawang ginagawa sa mga presentasyon. Nagbibiro rin siya sa aming klase at sa ilan kong kamag-aral at nagbibitaw ng kung anu-anong “jokes”. At ang isang bagay na nagustuhan ko sa kanya ay ang poagbibigay payo niya sa akin tungkol sa Pag-ibig. Diba po Ma’am? #Destiny! Hahaha! Pero, seryoso magaling talaga siyang magbigay payo sa kanyang mga estyudyante.
Napakaswerte nga namin kung tutuusin, dahil sa siya ang naging guro namin sa Filipino at ina sa Umalohokan. Maraming aral at payo kaming natutunan mula sa kanya. Hindi rin siya tulad ng ibang guro na hindi marunong ngumiti. Masaya akong naging guro ko siya dahil hindi naging “boring” ang taon ko kasama siya. Kaya’t Maraming Salamat Po Gng. Marvilyn Mixto! Hanggang sa susunod pang pagsasama! Mabuhay! J

Ano ang iyong masasabi sa K-12 Kurikulum?



“Maganda nga ang hangarin, ngunit marami ang kakulangan”

     Mapaganda at maayos ang uri at sistema ng edukasyon sa ating bansa, ito ang layunin ng bagong kurikulum na ipinapatupad sa loob ng bansa, ang K-12 O Kinder to Grade 12. Sa loob ng kurikulum na ito, ay dinadagan ng dalawang taon pa sa Hayskul ang pag-aaral ng isang estudyante. Ang dating apat na taon ay naging anim na taon. Ang karagdagang dalawang taon na ito ay tinawag na “Senior High School”.
            Sa loob ng 2 taon, matutunan ng mga mag-aaral ang iba’t-ibang kursong nais nilang kunin sa Kolehiyo.  Para naman sa mga mag-aaral na wala pa sa Senior High School pero nasa ilalim ng K-12 ay matututo ng iba pang mga bagay na wala sa dating kurikulum. Ang paraan din ng pagbibigay grado ay naiba na. Ito na ngayon ay nahati sa apat: Knowledge, Process, Understanding at Product. Maganda man ang hangarin ng programa ay hindi pa rin naman maitatago ang katotohanang marami pang pagkukulang sa bawat paaralan sa pagpapatupad nito. Hindi pa tayo handa para rito.
            Una, ay ang kakulangan sa mga silid-aralan. Dahil dadami na nang dadami ang mga mag-aaral na papasok sa eskwela ay kailangan na rin ng marami at sapat na mga silid-aralan para sa kanila. Ngunit, sa napapansin natin ay mabagal pa rin ang pagkilos ng paaralan sa problemang ito.
            Pangalawa, ay ang kakulangan sa mga magagaling na guro. Dahil sa mababa at di sapat na sahod ng mga guro dito sa Pilipinas ay humahanap sila ng trabaho sa ibang bansa, kaya’t nagkakaroon tayo ng mga kulang na guro rito.
            Isa pa sa mga problemang may kaugnayan sa K-12 ay ang kakulangan ng kagamitan ng guro at kagamitan din ng paaralan. Dahil sa mga kulang na kagamitang ito ay maaaring mapabagal ang proseso ng karunungan ng mga mag-aaral at maaaring hindi rin nila maintindihan ang kanilang mga aralin.
            Alam nating lahat na napakaganda ng layunin ng K-12. Ngunit, hindi naman sapat ang anumang meron tayo ngayon sa pagpapatupad nito. Siguro ay mas mabuting gumawa muna ng solusyon ang pamahalaan sa mga problemang ito bago gumawa ng hakbang. Mas mabuting gumawa ng isang programa kung walang problema, dahil mas maganda ang magiging resulta.  

    

Buong Karanasan sa Baitang 9


  

Karanasang Hindi Malilimutan”
       
Masaya, malungkot, nakakabaliw at kakaiba. Halu-halongn emosyon ang aking naranasan o naramdaman sa loob ng 10 Buwan, kasama ang aking mga kamag-aral, kaibigan at guro. Mga taong nagbigay kulay at naging dahilan ng aking pagpasok araw-araw. Sila ang naging katuwang ko sa lahat ng problemang dumating sa akin sa paaralan.
Masaya, dahil nakakilala ako ng mas maraming tao bukod sa aking mga kamag-aral at naging malapit ako sa iba’t-ibang baiting lalung-lalo na sa ikaapat na taon. Marami rin akong natutunang bagong bagay mula sa mga gurong bago rin sa aking paningin. Naging kahanga-hanga ang mga gurong nakasama at nagturo sa amin sa taong ito. Masaya rin ako dahil dito lalong napatibay ang pagsasama namin ng Antimony o ng “AntiPulo”.
Malungkot? Dahil ba sa taong ito ako umasa at nasaktan? H-I-N-D-I kaya! Wala itong kinalaman sa pag-ibig. Malungkot, dahil sa nagkaroon kami ng mga di-pagkakaunawaan ng aking mga kamag-aral. Dito muling nasubok ang aming samahan. Pero, ika nga nila, “Pagkatapos ng ulan ay isang bahaghari”. Matapos ang malabagyong pag-aaway ay isang makulay na bahaghari ang nagging katapusan nito. Marami rin kaming natutunan sa mga hindi pagkakaintindihang naranasan na aming magiging gabay sa susunod pang mga taon.
Nakakabaliw. Nakakabaliw, dahil sa mga sunod-sunod na takdang-aralin, proyekto at kung anu-ano pang “paper works”. Yung tipong puro maiikling pelikula ang aming produkto sa apat na asignatura?! Nakakabaliw talaga! Hindi namin alam kung ano ang uunahing gawin, kung saan magsho-shoot at kung paano hahatiin ang aming oras. Pero, dahil sa kooperasyon at pag-iintindi sa isa’t- isa ay naging matagumpay ang aming mga Gawain. Sa katunayan, ay natatawa na lang kami tuwing naaalala ang aming mga mukha tuwing natataranta at nababaliw sa aming mga proyekto. Naging daan din ito upang maging mas malapit kami sa isa’t isa. At sigurado kaming mami-miss namin ito pagkatapos ng klase.   
Kakaiba. Kakaiba dahil sa taong ito ako nakaranas ng mga kakaibang karanasang bago sa paningin ko at ng ibang tao. Unang-una, ay sa taong ito ko naranasang sumali sa mga organisasyong hindi ko nasalihan noong nakaraang taon, partikular na sa GSP at Umalohokan. Sa Girl’s Scout ko naranasang sumali sa mga “Camping” at “Badge Fairs”. Habang sa Umalohokan ko naman naranasang ipanlaban sa ibang paaralan sa Antipolo. Unang beses kong naging kinatawan ng Mambugan kasama ang iba pang manunulat. At unang beses ko ring naranasang manalo rito at makatungtong ng Regional na nagdala sa akin sa Lipa, Batangas. Dito ako nakakilala ng iba’t-ibang tao mula sa Antipolo at maging sa CALABARZON. Ang mga karanasang ito ang naging dahilan ng pagiging di-ordinaryo at di-malilimutang taon ko sa Baitang 9.
Ang pagiging “Grade 9 Student” ang magiging isa sa mga di-malilimutang karanasan ko sa Hayskul. Kaya, Salamat sa mga taong naging bahagi ng buhay ko sa Baitang 9 at naging dahilan ng pagiging mas matatag ko sa susunod pang mga taon. Salamat sa mga aral at paying ibinahagi nyo sa akin. Hindi man naging madali ang taong ito para sa akin, naging masaya at sulit naman ito dahil sa inyo.  Salamat sa 10 buwan kasama kayo at sa mga ala-alang nabuo. Maraming Salamat Baitang 9!      

Linggo, Marso 15, 2015

Takdang Aralin: Ipaglalaban Kita, Dahil Mahal Kita



Ang aming Takdang Aralin na may kaugnayan sa "Kalakasan ni Maria Clara". Ito ay isang Maikling Kwentong pinamagatang "Ipaglalaban Kita, Dahil Mahal Kita" <3

Sabado, Marso 14, 2015

Pangkatang Gawain (Pangkat 3) : )

Ang aming natapos na gawaing may kaugnayan sa Paggawa ng Tula tungkol sa "Tunay na Pag-ibig" :) .

Ikasiyam na Linggo


Marso 10-14, 2015:

           Magandang Buhay!
Maraming nangyari sa klase namin sa linggong ito. Una, noong Lunes (Marso 9) at Martes (Marso 10) ay ang aming “Prelims”. Ito ay isinagawa sa lahat ng unang pangkat sa iba’t-ibang baitang at taon. Kinabukasan, ay ang pagsasagawa namin ng correct response. Binalikan din namin ang mga pangyayari sa buhay ni Maria Clara at Sisa at sinagot ang mga tanong na may kinalaman sa kanila. Nagbigay din ng Pangkatang Gawain ang aming guro na may kaugnayang  muli sa buhay ni Maria Clara. Ito ay may kinalaman sa kanya bilang tao, mangingibig at sa mga desisyong ginawa niya sa nobela. Bawat grupo ay may kahanga-hangang presentasyon. Ang aming pangkat ay nagsagawa ng isang debate samantalang dula-dulaan naman ang sa ibang grupo. Nang sumunod na araw ay nagkaroong muli kami ng Pangkatang Gawain na may kaugnayan naman sa “Tunay na Pag-ibig”. Bawat grupo ay naatasang iulat ito sa iba’t-ibang paraan. Mayroong sa pamamagitan ng poster, awit, tula, at islogan. Naging katuwa-tuwa rin ang produkto ng bawat pangkat. Dahil dito ay naatasan kaming kunan ng litrato ang aming presentasyon at i-post sa kanya-kanyang blog. Nagkaroon din kami ng takdang aralin para sa linggong ito. Ito ay ang paggawa ng isang maikling kwento tungkol sa kalakasan ni Maria Clara. Isusulat namin ito sa bondpaper, kukunan ng litrato at ipopost sa blog hanggang linggong ng gabi.
Ito ang mga ginawa namin  sa linggong ito. Maraming Salamat! Hanggang sa muli !


   

Linggo, Marso 8, 2015

Ikawalong Linggo


  Marso 3-6 2015:

      Magandang Buhay! ;)
      Ngayong linggo ay tatlong araw muli ang aming klase sa Filipino. Ito ay dahil sa nawalan ng pasok ang lahat ng baitang pwera ang ikaapat na taon dahil sa National Achievement Test (NAT).
      Sa aming tatlong araw na klase ay tinalakay namin ang buhay ng iba pang tauhan sa Noli Me Tangere bukod kay Crisostomo Ibarra, partikular na kina Elias, Maria Clara at Sisa. Binigyan kami ng Takdang Aralin ng aming guro noong nakaraang linggo na tungkol sa Mga Kabanata ni Elias sa Nobela, pinasa at inisa-isa namin itong tinalakay at pinag-aralan noong unang araw. Natapos naming talakayain ang buhay ni Elias sa loob ng isang araw kaya't nagtungo na kami sa buhay nila Sisa at Maria Clara. Binigyan muli kami ng aming guro ng takdang -aralin kung saan ay kinakailangan naman naming alamin ang mga kabanata nina Sisa at Maria Clara sa nobela upang maging paunang kaalaman. Natapos rin naman agad namin ang araling ito. Sa pag-aaral ng buhay ng mga tao, dito  ko nalaman na may mahalagang gampanin din pala sila sa naging buhay ni Ibarra sa nobela. Hindi lang pala sila nilagay doon ng may-akda para maging "palabok" at "pamulak-lakin" ang nobela kundi para na rin maghatid ng iba't ibang aral.
      Upang malaman na may natutunan kami sa mga nakalipas na aralin ay binigyan kami ng tanong ng aming guro na dapat sagutin.  Ito ay may kinalaman sa buhay ni Maria Clara at Sisa na amin ding naging takdang aralin! :)