-
Ang pabula ay isang kwentong pinagbibidahan
ng hayop. At dahil hayop nga ang bida rito, ito ay kathang-isip lamang.
Hindi lamang ito isang simpleng kwento na nagbibigay aliw sa mga mambabasa
kundi isa ring kwentong nagbibigay aral at inspirasyon sa kanila. Ang mga hayop
naman na dito ay sumasagisag sa iba’t ibang katangian o pag-uugali ng tao.
Halimbawa ng Pabula:
Ang Hatol ng Kuneho
(Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat)
Noong
unang panahon, nang ang mga hayop ay nakapagsasalita pa, may isang tigreng
naghahanap ng pagkain sa gubat. Sa kaniyang paglilibot, nahulog siya sa
napakalalim na hukay. Paulit-ulit na sinubukan ng tigre ang makaahon, subalit
siya ay nabigo. Sumigaw siya nang sumigaw upang humingi ng tulong subalit
walang nakarinig sa kanya.
Kinabukasan, muling sumigaw ang tigre upang humingi ng tulong hanggang mapaos.
Gutom na gutom at hapong-hapo na ang tigre. Lumupasay na lamang siya sa lupa.
Naisip niyang ito na ang kaniyang kamatayan. Walang ano-ano ay nakarinig siya
ng mga yabag. Nabuhayan siya ng loob at agad tumayo.
“Tulong! Tulong!” muli niyang isinigaw.
“Ah! isang tigre!” sabi ng lalaki habang nakadungaw sa hukay.
“Pakiusap!
Tulungan mo akong makalabas dito,” pagmamakaawa ng tigre.
“Kung tutulungan mo ako, hindi kita makalilimutan habambuhay.”
Naawa ang lalaki sa tigre subalit naisip niyang baka kainin siya nito. “Gusto
sana kitang tulungan subalit nangangamba ako sa maaaring mangyari. Patawad!
Ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay”, wika ng lalaki at nagpatuloy sa
paglalakad.
“Sandali! Sandali! Huwag mong isipin iyan,” pakiusap ng tigre. “Huwag kang
mag-alala, pangako ko hindi kita sasaktan. Nagmamakaawa ako, tulungan mo ako.
Kapag ako ay nakalabas dito tatanawin kong malaking utang na loob!”
Tila labis na nakakaawa ang tinig ng tigre kaya bumalik ang lalaki
upangtulungan ito. Nakahanap siya ng troso at dahan-dahan niyang ibinaba sa
hukay. “Gumapang ka dito,” sabi ng lalaki.
Gumapang ang tigre sa troso hanggang makaahon sa hukay. Nakita ng tigre ang
lalaking tumulong sa kanya. Naglaway ang tigre at naglakad paikot sa lalaki.
“Sandali!” Hindi ba nangako ka sa akin na hindi mo ako sasaktan? Ito ba ang
paraan mo ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob?” sumbat ng lalaki sa
tigre.
“Wala na akong pakialam sa pangakong iyan dahil nagugutom ako! Hindi ako kumain
nang ilang araw!” tugon ng tigre.
“Sandali! Sandali!” ang pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang puno ng Pino
kung tama bang kainin mo ako.”
“Sige,” ang wika ng tigre. “Pero pagkatapos natin siyang tanungin, kakainin na
kita. Gutom na gutom na ako.”
Ipinaliwanag ng tigre at ng lalaki sa puno ng Pino ang nangyari.
“Anong alam ng tao sa pagtanaw ng utang na loob?” tanong ng puno ng Pino.
“Bakit ang mga dahon at sanga namin ang kinukuha ninyo upang mapainit ang
inyong mga tahanan at maluto ang inyong mga pagkain? Mga taon ang binibilang
namin upang lumaki. Kapag kami’y malaki na pinuputol ninyo. Ginagamit ninyo
kami sa pagpapatayo ng inyong mga bahay at pagpapagawa ng inyong mga
kasangkapan. At isa pa, tao rin ang humukay ng butas na iyan. Utang na loob!
Huwag ka nang magdalawang isip, Tigre. Sige pawiin mo ang iyong gutom.”
“O, anong masasabi mo doon?” tanong ng tigre habang nananakam at nginungusuan
ang lalaki.
Sa mga sandaling iyon ay dumaan ang isang baka. “Hintay! Hintay!” pakiusap ng
lalaki. “Tanungin natin ang baka sa kaniyang hatol.”
Sumang-ayon ang tigre at ipinaliwanag nila sa baka ang nangyari. Hiniling ng
dalawa ang opinyon ng baka.
“Sa ganang akin, walang duda sa kung ano ang dapat gawin,” wika ng baka sa
tigre. “Dapat mo siyang kainin! Tingnan mo, mula nang kami ay
maisilangnnaglilingkod na kami sa mga tao. Kaming mga baka ang nagbubuhat ng
mabibigat nilang dalahin. Inaararo namin ang bukid upang makapagtanim sila.
Subalit, ano ang ginagawa nila kapag kami ay tumanda na... pinapatay kami at
ginagawang pagkain! Ginagamit nila ang aming balat sa paggawa ng kung ano-anong
bagay. Kaya huwag mo na akong tanungin tungkol sa pagtanaw ng utang na loob.
Kainin mo na ang taong iyan.”
“Tingnan mo, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Kaya humanda ka na sa iyong
kamatayan!” wika ng tigre habang bumubuwelo upang sakmalin ang lalaki.
Alam na ng lalaki na ito na nga ang kaniyang katapusan. Nang biglang dumating
ang lumulukso-luksong kuneho.
“Sandali! Tigre! Sandali!” sigaw ng lalaki.
“Ano na naman!” singhal ng tigre.
“Pakiusap, bigyan mo pa ako ng huling pagkakataon.Tanungin natin ang kuneho
para sa kaniyang hatol kung dapat mo ba akong kainin.”
“Ah! Walang kuwenta! Alam mong ang sagot niya. Pareho lang sa sagot ng puno ng
Pino at ng baka.”
“Pakiusap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.
“O sige, pero huli na ito. Gutom na gutom na ako!” sagot ng tigre.
Isinalaysay ng tigre at ng lalaki ang nangyari. Matamang nakinig ang kuneho.
Ipinikit ang kaniyang mga mata at pinagalaw ang kaniyang mahahabang tainga.
Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang idinilat ang kaniyang mga mata.
Malumanay at walang ligoy na nagsalita ang kuneho. “Naiintindihan ko ang inyong
isinalaysay. Subalit kung ako ang magpapasya at magbibigay ng mahusay na hatol
dapat tayong magtungo sa hukay. Muli ninyong isasalaysay sa akin ang nangyari.
Ituro ninyo sa akin ang daan patungo doon,” wika ng kuneho.
Itinuro ng tigre at ng lalaki ang hukay sa kuneho. “Tingnan natin, sabi mo
nahulog ka sa hukay at ikaw naman ay nakatayo dito sa itaas”, wika ng kuneho sa
tigre at sa lalaki. “Pumunta kayo sa mga posisyon ninyo noon, upang mapag-isipan
ko pang mabuti ang aking hatol.”
Tumalon agad ang tigre nang hindi nag-iisip. Ang nais lamang niya ay matapos
agad ang usapan nang makain na niya ang tao. “Ah! ganito ang kalagayan ninyo
noon. Ikaw, tigre ay nahulog sa hukay at hindi makaahon. Ikaw naman lalaki,
narinig mo ang paghingi ng saklolo kaya tinulungan mo ang tigre. Ngayon maaari
na akong magbigay ng aking hatol. Ang problemang ito ay nagsimula nang tulungan
ng tao ang tigreng makalabas sa hukay”, paliwanag ng kuneho na tila may
ibang kausap. “Sa ibang salita, kung ang tao ay hindi nagpakita ng
kabutihan at iniwan ang tigre sa hukay, walang naging problema. Kaya naisip ko
na magpatuloy ang tao sa kaniyang paglalakbay at dapat na manatili ang tigre sa
hukay. Magandang umaga sa inyong dalawa!” wika ng matalinong kuneho at
nagpatuloy sa kaniyang paglukso.
Nagkamali
ng Utos
Sa
malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi.
Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang
Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing
ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi
niyang kasa-kasama ang kaniyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari
pa ay pawang tutubi rin.
Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang
alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa
kaniyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na
papawirin.
Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kaniyang
paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kaniyang nakikita. Totoong naibang si
Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maitim na ulap sa
papawirin.
Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad
pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan.
“Titigil muna ako sa punongkahoy na ito,” ang sabi sa sarili ng prinsesa.
Ngunit sa punongkahoy pala naman iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang
pilit ang nakikisilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay
niyuyugyog ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang
prinsesa.
“Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kaniyang tuhod ang kaniyang mga mata.”
Malakas na na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga
matsing.
Sa laki ng galit ng Prinsesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punongkahoy
na iyon at lumipad pauwi sa palasyo. Tuloy-tuloy siya sa silid ng kaniyang
amang hari. Kaniyang isinumbong kay Haring Tubino ang mga matsing. Laking galit
ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng kawal.
“Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal.
“Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na Prinsesa, gusto kong
hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.”
Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga mating
ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kaniyang pakay. Malakas na tawanan ng
mga matsing ang nagging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi.
“Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha-ha!” Muling nagtawanan ang mga
matsing. “Nakakatawa , ngunit pagbibigyan naming anginyong hari,” ang sabi ng
pinuno. “Ang mga mating laban sa mga tutubi!” Nagtawang muli ang mga matsing.
“Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno.
“Bukas ng umaga sa gitna ng parang!” ang tugon ng kawal.
“Magaling! Bukas ng umaga sa gitna ng parang kung gayon,” masiglang pag-ulit ng
matsing sa sinabi ng tutubi.
Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal a tutubi at ibinalita sa Haring Tubino
ang nagging katugunan ng mga matsing.
Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing.
Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawing
sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol na kahoy na pamukpok.
Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manlilipad na
tutubi.
“Kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng
haring matsing.
Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kaniyang
utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Kailangang magbayad ang mga matsing. “Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may
panganib ay dagling luang malinaw at marahan niyang utos.
Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubat ang hukbo ng
sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa
kanilang sandatang pamukpok. Matapang din naming sumunod ang mga kawal na
tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng
buong kahariang Matutubina.
Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok
dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang
labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing
ang pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng
kaniyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang
kanyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na
pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kayat nang matapos ang
labanan nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala, walang sinumang
tinamaan sa mga mabilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang
pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.