Sabado, Oktubre 4, 2014

Paksa : Sanaysay at Editoryal



-             Ang SANAYSAY ay isang salitang marami ang kahulugan. Ayon nga kay Alejandro G. Abadilla, ito ay “isang nakasulat na karansan ng isang sanay sa pagsasalaysay”. Ang iba nama’y nagsasabi na na ito’y “isang tangka sa paglalarawan  at pagbibigay kahulugan sa buhay at iba’t-ibang sangay nito”.  Ngunit kahit marami pa ang pakahulugan dito, isa lang ang malinaw sa ating lahat. Ito ay isang bahagi ng Panitikang Pilipino na nakatutulong sa atin na maipahag ang ating opinyon. Isang simpleng sulatin na pwedeng gumising sa mga tao tungkol sa isang particular na isyu sa atin ngayon.

Halimbawa ng Sanaysay:
    
Ang Kababaihan ng Taiwan, Ngayon at Noong Nakaraang 50 Taon
Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina
       Ang bilang ng populasyon ng  kababaihan sa mundo ay 51%  o  2% na mataas kaysa kalalakihan.  Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng kalalakihan.  Ilang kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakakuha ng pantay na karapatan at paggalang tulad sa kalalakihan.  Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan ay unti- unting nagbabago sa nakalipas na  50 taon.  Ito ay makikita sa dalawang kalagayan : una ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ang ikalawa ay ang pag-unlad ng kanilang karapatan at kalagayan.  Nakikita ito sa Taiwan.  Ang unang kalagayan  noong nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad sa kasambahay o housekeeper.  Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa.  Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.   
      Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay lalong naging komplikado.  Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay.  Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan.  Sa madaling salita, dalawang mabibigat na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.   Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila.  Karamihan sa mga kompanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng  babae at ang mga kinauukulan ay handang kumuha ng mga babaeng may kakayahan at masuwelduhan ng mataas.  Tumataas ang pagkakataon na umangat ang babae sa isang kumpanya at nakikita na ring may mga babaing namamahala.  Isa pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon.  Ayon sa isang estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.    At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita na rin.  Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa nangungunang networking hardware manufacturer sa Taiwan,  ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3 buwan lamang.  Ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa na ng batas sa pagkakaroon ng pantay na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.   Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon kung ihahambing noon.  Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na ng pansin.  Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay tumatanggap na ng pantay na posisyon at pangangalaga sa  lipunan.  Mayroon pa ring mga kompanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga babaing lider nito. 
      Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin sa kanilang asawa sa tahanan.   Ito ay matuwid pa rin sa kanila.  Marami pa ring dapat  magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.

-             May mga sanaysay din naman na tumatayo bilang isang Editoryal. Ang EDITORYAL ay ang pangunahing tudling ng kuru-kuro ng isang pahayagan. Kumakatawan ito sa sama-samang paninindigan ng patnugutan ng pahayagan kaya sinasabing kaluluwa ito ng publikasyon. Layunin nito sa pagbibigay ng kuru-kuro ang magpabatid, magpakahulugan, magbigay-puna, magbigay-puri, manlibang at magpahalaga sa natatanging araw. Itinutuwid ng editoryal ang mga maling palagay o paniniwala at pagkalito ng tao sa isang isyu. Nagbibigay-pakahulugan din ang isang editoryal sa balita o kaganapan upang bigyang-linaw sa kahuluguhan ng pangyayari. Nagbibigay-puna ang editoryal sa layuning magkaroon ng pagbabago para sa pakinabangan ng nakararaming tao. Ang pagtuligsa ay hindi kailangan makasakit ng damdamin ng kapwa. Pumupuri ang editoryal kung may dapat pahalagahan. May mga editoryal naman na ang pagkakasulat ay nanlilibang subalit taglay nito ang mahalagang opinyon.
(kahulugan mula sa WIKIPEDIA:ang malayang ensiklopedya
   May tatlong bahagi ang Editoryal ito ay ang :
·       Panimula: dito mo binabanggit ang paksa o isyu na iyong tatalakayin.
·       Katawan/Gitna: dito ka nagbibigay ng mga ideya o kaisipan tungkol sa iyong paksa.
·       Pangwakas: dito ka nagbibigay konklusyon para sa iyong buong editoryal.

Halimbawa ng Editoryal:
Pagbibigay Kapangyarihan sa  Kababaihang Pilipino sa Pamamagitan ng Estadistikang Kasarian “
    “Babae, pasakop kayo sa inyong asawa,” isang pahayag na hinango sa Banal na Aklat at naging panuntunan ng balana rito sa daigdig sa lahat ng panahon. Lahat ng bagay ay nagbabago kaya nga walang permanente sa mundo. Ang dating kiming tagasunod lamang ay natutong tumutol laban sa karahasan sapagkat hindi na matanggap ang dinaranas na kaapihan.  Kaniyang ipinaglaban ang sariling karapatan upang makapagpasiya sa sarili.  Lakas-loob din niyang hiningi ang karapatang maisatinig ang matagal nang nahimbing na pagnanasang maging katuwang hindi lamang sa tahanan kundi maging sa paghubog ng lipunan para sa isang maunlad, matahimik at kaaya-ayang kinabukasan. Sa ngayon, ang  kababaihan ay unti-unting na ring napahalagahan.  Hindi man ito maituturing na ganap dahil sa patuloy na mga karahasang pantahanan na pawang mga kababaihan ang nagiging biktima. Ang sexual harassment na madalas ay daing ng mga kababaihan ay nagdaragdag sa mga suliraning pambansa. Ang babae ay katuwang sa pamumuhay.  Hindi sila katulong na tagasunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ng ilang nag-aastang “Panginoon”.  Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya. Tunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang kasama kundi kabahagi sa pagpapaunlad ng bayan sa lahat ng panahon. Marami na ring samahan ang itinatag upang mangalaga at magbigay- proteksiyon sa mga kababaihan.  Ilan sa mga ito ay Gabriela, Tigil-Bugbog Hotline at marami pang iba.  Patuloy ang mga samahang ito sa pakikibaka upang sugpuin ang patuloy na diskriminasyon sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan.  Layunin nilang mabigyan ng edukasyon at kamulatan sa mga karapatang dapat ipakipaglaban ng mga kababaihan. 

 - halaw sa Sandigan I(Kalipunan ng mga Banghay-Aralin sa Pagtuturo ng Filipino ) ni Lolita M. Andrada

                                    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento