Sabado, Disyembre 13, 2014

Ikaanim na Linggo: Elehiya, Dalit at Oda

Disyembre 9-12:

           Tatlong araw sa linggong ito ay wala si Gng. Mixto, kaya’t ang kanyang asawa na si G. Mixto ang nagturo sa amin.  Kami ay nagkaroon ng 4 na gawain. Ang una ay ang pag-unawa sa aming binasang akda na "Elehiya sa Kamatayn ni Kuya" sa pamamagitan ng pagsagot sa mga katanungan. Ikalawa ay ang pagbabasa sa "Ang mga Dalit Kay Maria" at pagsagot din sa mga katanungan ukol dito. Ang ikatlo naman ay ang paghahambing sa dalawang akda gamit ang iba’t-ibang element tulad ng Tema, Layon ng may-akda, Antong tula, Damdaming Naghahari, Kaugalian at Wikang Ginamit, na amin ding magsisilbing takdang-aralin. At ang pang-apat ay ang pagbabasa at pag-unawa rin sa tulang "Kung tuyo na ang luha mo aking Bayan" ni Amado V. Hernandez at ang pagsagot din sa mga katanungan na may kinalaman ditto. Sa pagbalik naman ni Gng. Mixto sa huling araw ng linggong ito ay nagkaroon kami ng talakayan. Ito ay ukol sa Elehiya, Dalit at Oda. Ang “ELEHIYA” ay isang tulang liriko na tungkol sa kamatayan ng isang mahal sa buhay at pagsasariwa sa kanyang mga alaala. Samantalang, ang “DALIT” ay tulang awit din na binubuo ng walong pantig bawat taludtod, apat na taludtod bawat saknong at may isang tugmaan. Ito rin ay pumupuri at nagtatangi sa Dyos at sa Birhen. Habang ang “ODA”  ay isang uri rin ng tulang liriko na nilampatan ng tono na pumupuri at pumaparangal sa dakilang gawain o tao. At dito nagtatapos ang aming panibagong linggo sa pagtalakay sa “Panitikang Pilipino at Asyano”.

Lunes, Disyembre 8, 2014

Takdang Aralin

  Takdang Aralin:
      Ano ang gagawin mo para mapadama ang iyong pagmamahal sa iyong mahal sa buhay?

Sagot:
          Ang pagmamahal ay isang salitang malaki ang saklaw at malalim ang kahulugan. Ito ay hindi agad naibibigay sa kung sinu-sino. Pero, kapag ito naman ay naibigay mo na ay hindi nararamdaman ng mga taong gusto mong makadama nito. Kaya, ano ang iyong gagawin upang maramdaman ng mga mahal mo sa buhay ang iyong pagmamahal sa kanila?
          Kung ako naman ang tatanungin , ipapadama ko ito sa kanila sa pamamagitan ng pag-aalaga’t pag-aaruga. Aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga nila sa akin simula noong ako’y bata pa hanggang sa kasalukuyan. Aarugain ko sila kapag sila’y tumanda na at hindi iiwan kahit ano pang mangyari. Hahabaan ko rin ang aking pasensya sa kanila kapag sila ay tumanda na dahil parte ito ng pagtaas ng kanilang edad, at iintindihin sa kahit anong magawa nila.

          Pero , sa ganitong edad ko at edad nila ay maipapakita ko ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti. Ako ay mag-aaral ng mabuti nang sa gayon ay makahanap ako ng magandang trabaho pagdating ng panahon at upang mabigyan sila ng magandang buhay. Gagawin ko rin ito upang maging “proud” sila sa akin. Susuklian ko ang lahat ng sakripisyo at pagmamahal na kanilang ibinigay. Sa ganitong mga paraan ko ipapadama ang aking pagmamahal sa kanila. 

Biyernes, Disyembre 5, 2014

Ikalimang Linggo: Elehiya



Disyembre 2-5 :
 Ang unang bagay na ginawa namin ngayong linggo ay ang pagbabalik aral sa aming huling aralin na Parabula at Talinghaga. Kami ay nagkaroon ng Pangkatang Gawain kung saan ay kinakailangang ikumpara namin ang Parabula sa isa pang uri ng panitikan na naatas sa amin: Pabula, Maikling Kwento, Alamat, o Epiko. Dito ay kailangang aming maibigay ang kanilang pagkakaiba at pagkakatulad. Bilang bahagi rin ng aming pagbabalik aral ay kinakailangang gumawa kami ng aming sariling Talinhaga na mapupulutan ng aral at ang dapat lang na gamit naming  bagay ay ang mga bagay na makikita sa 4-na-sulok ng aming silid-aralan at ang mga gamit pang-eskwela.  

Natapos naman naming ang aralin na ito nang maayos. Kaya’t nagtungo na kami sa aming sunod na aralin: Elehiya. Ito ay tulang liriko na tumatalakay sa kamatayan ng isang tao at gumagamit ng angkop na damdamin.  Kaugnay nito ay nagkaroon kami ng kasunduan, ito ay ang pagkakaroon ng kopya ng “Elehiya sa Kamatayan ng Aking Kapatid” na may iba’t iba pa lang bersyon sa Filipino. Binasa naming ito at inintinding mabuti. Sa kasalukuyan ay iyan pa lang an gaming natatalakay tungkol sa Elehiya.

Sabado, Nobyembre 29, 2014

Ikaapat na Linggo: Parabula at Talinhaga

Nobyembre 25-28:


~ Ngayong Linggo ay nagpunta kami sa aming panibagong aralin: Parabula at Talinhaga. Bilang introduksyon nito ay nagbigay si Gng. Mixto ng kasunduan. Ito ay ang paghahanap at pagbabasa ng “Talinhaga ng mga Manggagawa ng Ubasan”, na makikita sa Bibliya, Mateo 20: 1-13. Dito ay sinasabi na ang TALINHAGA ay ang pangungusap, parirala, o isang salaysay na may malalalim na kahulugan at iba sa literal nitong ibig-sabihin. At dito na pumapasok ang kahulugang literal, simbolo, at espiritwal.  Ang kahulugang LITERAL ay ang kahulugang makikita sa diksyunaryo at iba pang materyal, samantalang ang SIMBOLO ay ang salitang sumisimbolo sa isang bagay, pangyayari o tao, habang ang kahulugang ESPIRITWAL ay ang kahulugan ng isang salita sa usapin ng relihiyon. Ang PARABULA naman ay mga kwentong makatotohanan na nangyari noong panahon ni Kristo. Ito ay nagbibigay ng moral na leksyon na ating magagamit sa ating araw-araw na pamumuhay. At ito nga po ang aming ginawa   sa loob ng linggong ito. J

Linggo, Nobyembre 23, 2014

Ikatlong Linggo: Pagbabalik aral

   Nobyembre  18-21


   Ngayong Linggo ay nagbalik si Gng. Mixto sa aming klase. Ngayon ay nagbalik-aral lang kami sa mga araling aming tinalakay noong nakaraang lingo, partikular na ang paghahambing.  Sya ay nagbigay sa amin ng mga pagsasanay at takdang aralin na may kinalaman dito. Binalikan din naming ang epikong Rama at Sita. Nagtanong siyang muli kung ano ang nangyari sa kwentong ito bilang patunay na may natutunan kami. Ngayong lingo rin binigay niya sa amin ang aming produkto, ang “Cosplay” o paggaya sa mga karakter sa isang epiko ng kahit anong bansa sa Asya. Ito ay ipapasa o ipapakita naming sa kanya sa katapusan ng buwan. Yan lang ang ginawa namin sa lingo ito, Maraming Salamat! J

Biyernes, Nobyembre 14, 2014

Ikalawang Linggo: Paghahambing

  Nobyembre 11-12:

   Ngayong Linggo ay wala si Gng. Mixto dahil mayroon siyang dapat asikasuhin, kaya't si Bb. Basbas ang inaasahang magturo sa amin, ngunit sumakit ang kanyang lalamunan kaya't humingi siya ng tulong kay Trixie upang kanyang maging halili.
Ngayong Linggo ay tinalakay namin ang paghahambing.
 
    Ang paghahambing ay natural na sa atin. Ito ay ginagamit natin upang malaman ang pagkakaiba at pagkakatulad ng isang tao,bagay,hayop atbp. Kaya't may mga nararapat tayong  salitang dapat gamitin. Naiiba ang mga salitang ito depende sa kung ano ang ating ihahambing: Magkatulad at Di-Magkatulad. Maiiba rin ito kung maganda o positibo  ang sasabihin mo tungkol sa isang bagay o kung negatibo ito.
   Upang makasigurado naman si Bb. Basbas na may natutunan kami sa dalawang araw na pagtalakay ni Trixie ay nagbigay sya ng pagsasanay at pangkatang gawain. Sa pagsasanay ay kinakailangang gumawa kami ng 10 pangungusap na naghahambing kay Corazon Aquino at Gloria Arroyo. Samantalang sa pangkatang gawain naman ay ang paghahambing sa dalawang bansa sa Timog-Kanlurang Asya.
   Sa konting panahon ng aming pagtalakay dito ay marami akong natutunan. Kaya't sana ay maging maingat tayo sa mga salitang ating gagamitin sa paghahambing pangkat ang bawat salitang ito ay may ibig-sabihin. :)


Linggo, Nobyembre 9, 2014

Unang Linggo: Epiko (Rama at Sita)

       Tulang pasalaysay na tumutukoy sa isang bayani at ang kanyang pakikipag-sapalaran.

  Halimbawa:


Ø  Dito ipinapakita ang totoo at tunay na pagmamahalan nina Rama at Sita. Kahita anong pagsubok pa ang dumating, haharapin nila ito ng magkasama at kahit sino pa ang humadlang sa kanilang dalawa, lalabanan nila ito ng taas noon. Sumasalamin din ito sa pilosopiya ng India na “Katotohanan ang laging nagtatagumpay”.
 
   Rama at Sita: Unang Bahagi (Sadyang Pinagtagpo)
        
    -  Ito ay tungkol sa dalawang taong sadyang pinagtagpo ng tadhana. Sinasabi ditong masaya sila kapag sila'y magkasama at ang araw nila'y hindi kumpleto kung hindi nagkikita.

   Rama at Sita: Ikalawang Bahagi (Huwag Takasan)


    - Lahat tayo ay may tungkulin sa buhay, at hindi natin ito dapat takasan. Sundin lang ito ng bukal sa puso, dahil sa huli, maganda rin ang kalalabasan nito. 


  Rama at Sita: Ikatlong Bahagi (Kaya Ko)


  - Tungkol sa isang taong hindi nabibigyan ng pagkakataon na patunayan ang  sarili at ipamalas ang  tunay na galing at kakayahan. At ang masaklap, isang batang paslit parin ang tingin sa kanya at hindi ganap na binata.  

  Rama at Sita: Ikaapat na Bahagi (Halina sa Mithila)

   
  - Sa pagpunta ng magkapatid na Lakshamanan at Rama sa Mithila, nakilala nila si Haring Zanaja na hri  
ng lugar. Dito rin nila nalaman na mayroon palang mangyayaring paligsahan sa lugar. Kung sino man ang makakapagbantig sa busog na minana pa ng kanilang lahi kay Shiva, ay siyang mapapangasawa ni Sita, ang prinsesa ng Mithila.

  Rama at Sita: Ikalimang Bahagi (Kay dami ng Babae)

  - Marami ang babae at may iba't iba silang katangian, hindi tuloy alam ni Lackshamanan kung sino ang popormahan. Kaya't humigi sya ng tawad sa iba pang babae kung hindi lang isa ang kanyang iibigin pagkat ayaw nyang may masaktan.

  Rama at Sita: Ikaanim na Bahagi (Sana'y siya na Nga)

  - Nagdadasal si Sita upang humingi ng tulong sa Panginoon  para manalo ang pinakamahusay sa  pagbanting at ito ang kanyang mapangasawa. Nais nya maging karapat-dapat ang taong ito sa puso nya.Ngunit habang nagdadasal ay nakilala nya sina Lackshamanan at Rama. Ang mga binata naman ay agad na nahumaling sa gandang taglay ng dalaga. 








Linggo, Oktubre 26, 2014

Paksa: Katangian ng aking katabi

Kilala mo ba siya?
    Ang pagigng masayahin, makulit at palaasar ay ilan sa kanyang mga katangian. Sya ay pala-kaibigan din. Sa katunayan, isa sya sa miyembro ng kilalang grupo sa aming pangkat, ang DS o “Dragon Society”. Sya nga pala si Joshua Olavides.
    Kung iyong titignan, makikita mong para syang masama at puro kalokohan lang ang alam, pero pag sya’y nakilala mo na, malalaman mong may kabutihan din pala. Nanlilibre, nagtuturo ng mga araling kung minsa’y hindi mo maintindihan, at pursigidong makakuha ng mataas na grado.Hindi rin sya pikunin. Kahit asarin mo sya ng paulit-ulit, hidi sya magagalit o maaasar sa iyo, bagkus ay tatawanan ka pa nito. Kakaiba sya diba?

   Kung para sa ibang hindi nakakakilala sa kanya, ay isa lang syang simpleng taong nakakaasar, para naman sa aming nakakakilala sa kanya, isa syang taong makakapitan at malalapitan pag ikaw man ay nangangailangan.

Martes, Oktubre 21, 2014

Paksa: Elemento ng Dula



Dula- ito ay isa sa uri ng Panitikan. Nahahati ito sa mga tagpo at karaniwang itinatanghal sa isang teatro. Ito ay may 5 elemento:
1.       Iskrip-  ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa isang dula.
-         Lahat ng mga nangyayari sa isang dula ay naaayon sa iskrip.
2.     Gumaganap o Aktor- nagbibigay buhay sa dula at nagbibigay damdamin dito
3.     Tanghalan- Ito ay ang lugar kung saan nangyayari ang isang Dula.
4.    Direktor- ito ay ang taong namamahal sa isang dula at ang lider ng mga aktor.
5.     Manonood- Sila ang mga taong nanonood ng dula at sa kanila ito nakalaan.
-         Ang Dula ay isa rin sa  Panitikang Pilipino.  Ito ay karaniwang nagtatanghal ng mga totoong pangyayari sa buhay ng tao. Ito rin ay nagbibigay aral at aliw sa mga tao o manonood na nakakasaksi dito.

Paksa: Cohesive Device (Reference o Kohesiyong Gramatikal)



Sa mga akda, kung ating mapapansin, laging nauulit ang pangalan ng bida. At upang maiwasa nga ito, gumagamit tayo ng Kohesiyong gramatikal na nagsisilbing pananda. Isa na sa mga halimbawa nito ay ang, ITO, DITO, DOON, IYON (para sa bagay, hayop o lugar) SILA, SIYA, TAYO, KANILA, KANIYA naman para sa tao. Ito ay nahahati sa sa dalawa: Anapora at Katapora.
1.       Anapora-  karaniwang makikita sa hulihan ng isang teksto o pahayag na nagsisilbing pananda sa pangalan na nasa unahan ng teksto.
Halimbawa:
a.    Kapag nakita ko si Daniel Padilla ng personal, magpapakuha ako ng litrato kasama SIYA.
2.     Katapora- karaniwang makikita sa unahan ng teksto o pahayag na nagsisilbing pananda sa pangalan na nasa hulihan ng teksto.
Halimbawa:
b.    SIYA ay napakagaling na mang-aawit, si Darren Espanto na sobrang nagpahangang sa maga Pilipino.

-        Ang “Cohesive Devices” ay nakatutulong sa atin upang maging mas magandang pakinggan ang isang akda o babasahin. Ito rin ay nakatutulong sa mambabasa na mas lalong maintindihan ang akdang binabasa. Kahit ito ay apat o anim na salita lamang, ito pa rin ay nakatutulong sa atin at sa Panitikang Pilipino.

Paksa: Pampalawak ng Pangungusap



       Panaguri at paksa ang karaniwang bahagi ng pangungusap. Ngunit maari pang hatiin ang mga ito sa malilit na bahagi at ang mga maliliit na bahaging ito ang nagpapalawak sa pangungusap.
              Ang mga pampalawak ng pangugusap ay nahahati sa tatlo:
Ø Paningit
Ø Panuring (pang-uri at pang-abay)
Ø Pamuno at mga kaganapan

      Ang panuring ay mayroong dalawang kategorya, ang pang-uri na nagbibigay turing sa pangngalan o panghalip at pang-abay na nagbibigay turing sa pandiwa, pang-uri o sa kapwa pang-abay.

Halimbawa:
  Batayang Pangungusap: Si Daniel Padilla ay artista.
1.       Gamit ang karaniwang pang-uri
a.    Si Daniel Padilla ay magaling na artista.
2.     Gamit ang pariralang panuring
a.    Si Daniel Padilla ay sikat at batang artista.
3.     Gamit ang pang-abay
a.    Si Daniel Padilla ay mabilis na sumikat dahil sa gwapo sya.

-        Ang mga Pampalawak ng pangungusap na mga ito ay ginagamit upang mas maintindihan ng mambabasa ang gustong iparating manunulat. Ito rin ay upang mas  malinawan ang mga mambabasa sa mga tunay at totoong katangian ng mga tauhan sa isang kwento o pangungusap.

Tekstong gumamit ng Pampalawak ng  Pangungusap

Niyebeng Itim
ni Liu HengIsinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra
    Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon. Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio, isang bagay na ayaw na ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit ng kamera. Sinabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang klerk. “Kinse?”“Kinse nga.” “Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.” “Gusto ko sabi ng kinse!”May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon. Nag-order siya ng kinse para hindi na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na kahangalan ang ganito. Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin niya ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium. Tumalikod siya at lumakad papalayo dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang nag-iisa na lamang, dinukot niya ang laman . Labinlimang magkakatulad na litrato ang hawak niya, bawat isa ay nakatitig sa kanya nang may pare-parehong hitsura. Sa kabuuan, mas maayos ang kinalabasan kaysa kanyang inaasahan. Parang mas manipis ang kaniyang labi dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa katunayan, mas guwapo siya kaysa sa maraming tao. Wala siyang reklamo. Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan sila. Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may katandaang opisyal ang nagbigay rin sa kanya ng lisensya para sa kariton. Hindi naaprobahan ang kanyang aplikasyon para sa lisensya sa pagtitinda ng prutas dahil puno na ang kota. Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw nang tumulong. Mayroon na lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero at sapatos. Wala nang pakialam si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda. Ang mahalaga, mayroon siyang magawa. Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng prutas, mas mabilis ang kita; mas mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang tubo. Nabalitaan din niyang kailangan niya ng maayos na tindahan o koneksiyong blackmarket para talaga mapatakbo ito. Ngunit handa siyang sumubok. Kailangangpalakasin niya ang kanyang utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat. Kahit maliit ang kikitain niya, hindi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya bilang ulila, hindi ba? Bahala na. Paglabas nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang isang matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya Luo kay Huiquan na tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya si Huiquan kung hepe ito ng ano at kaninong tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler ng Hapon. “Hindi ka ba magpapasalamat kay Tiyo Li sa lahat ng tulong niya?”Magalang na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo.Kailangang yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng guwardya, inspektor, at tagamasid na nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila- iyon ang pagsasanay. Ginagawa na niya iyon dahil nakasanayan na. Ngunit halos di siya napansin ng mama -- tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda. Pakiramdam ni Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa isang butas. “Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay Tiya Luo. “Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko. Tingnan mo’t namumula na siya.”Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan. “Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maraming retirado at walang trabaho ang di-makakuha?” “Dahil … dahil kailangan ko ng trabaho?” “Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba. “Dahil isa akong ulila?” “Kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan. Huwag kang manggugulo at huwag kang sakim… nagkamali ka na. Kalimutan mo na iyon, dahil kapag umulit ka, wala nang tutulong sa iyo.” “Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.” Isa na naman sa maraming islogan sa kampo. Nakabilanggo pa rin ang kaniyang isip at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay tumangu-tango. Saan man siya magpunta, laging may nagsasabi sa kaniya kung ano ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya nang mababa, umaangat ang kanilang sarili. Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman niya na ang mga babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kaniya; gamitin ang ihian, walang dudura, bawal pumasok, limang yuan na multa - lahat ay patungkol sa kaniya at tanging sa kanya lamang. Habampanahon na may magpapahirap sa kaniyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya at ng ibang tao, hihila sa kanya paibaba. Gusto niyang lumaban, pero wala siyang lakas. Kaya magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at nagmamatyag, Maraming taon nanaman niyang ginagawa ito. Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan habang nakasunod ito na parang bilanggo. “Halos Bagong Taon na. Pwede kang manatili ngayong bagong taon sa amin.” “Salamat, pero maayos na po ako…” “Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo. Kung buhay siya, ipapangalandakan niya -- negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya; hindi na siya katulad nang dati. Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.” “Sige po.” “Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig sabihin na pwede kang uminom.” “Huwag kayong mag-alala.” “Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon. Isda, manok – kung ano-ano pa. Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat lang na maayos ang Bagong Taon mo. Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo at hahanapan kita ng nobya. Ano sa palagay mo, bata?” “Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya ngunit matamlay. Ang isang yari sa kahoy at canvass na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong gulong, dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala nang matitira para sa paninda. Hindi pa nga nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kaniyang ina. Kinabahan siya dahil wala na itong atrasan. Isa o dalawang araw bago ang Bagong Taon, nakakita siya ng kakarag-karag at lumang tatluhang gulong na sasaksyan sa East Tsina Gate Consignment Store na 230 yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas- kahit paano’y napanatili ang hugis; walang gulong, pero mapakikinabangan pa rin ang gilid at rayos ng gulong; walang kuliling , walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at pedal. Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya sa lahat ng anggulo. Nalibot na niya ang buong bayan. Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa apat na raan, wala naming ipinagbibiling umaandar pang segunda mano. Sa isang groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na mukha namang matibay, ngunit parang may mali rito. Kung magtitinda siya ng damit, kakailanganin niya ang tatluhang gulong – para naman presentable. “Gusto mo nito? Para saan?”Lumapit ang klerk sa kaniya.“Kariton para sa mga damit.”“Tamang-tama. Hindi ka magsisisi. Kung poste ng telepono, o kongkreto. O iba pang katulad, hindi ko ‘to irerekomenda. Pero para lamang pala sa ilang tumpok ng damit. Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at pwedeng tumagal pa ng lima, anim na taon.”“Bakit di-gumagalaw?”“Matigas ang preno. Aayusin ko.”Ibinigay ni Huiquan ang pera, at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan mula East Tsina Gate patungong Dongsi, at mula roon, papuntang Chaoyong Gate. Dahil sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng atensyon, bagaman hindi naman nakapipinsala ang mga tingin sa kanya. Matapos bumili ng ilang parte sa pagawaan ng bisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang kanyang sasakyan patungong East Lane ng Kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng bilang 18. Ang berdeng bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay napuno ng tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na paa ng manok at isang bote ng alak – hapunan para sa Bagong Taon. Binili niya at madaling nakuha dahil ayaw na ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang hinahanap para sa kanyang hapunan. Mas iniintindi niya ang kaniyang sasakyan, ang kanyang bagong kaibigan, ang kaniyang tahimik na kasama.Inimbitahan siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong Taon. Dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa kaniyang bibig ang isang pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naamoy ang Tiya at inangat nito ang takip ng palayok. Pinalalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw. Walang makikitang berde – hindi balanseng pagkain. Sira na ang manggas ng kaniyang panlamig; puno ng kusot ang kaniyang sapatos at laylayan ng pantalon; marumi at mahaba ang kaniyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa kaniya, ngunit tumanggi pa rin si Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo, desididong gumawa ng magandang patungan para sa kaniyang sasakyan.Bumalik si Tiya Luo para imbitahan siyang manood ng TV – nakatatawang palabas at iba pang kawili-wiling programa. Hindi dapat palampasin. Ngunit umiling siya, hindi man lang tuminag sa kaniyang paglalagare.“Marami pa po akong gagawin.” “Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng Bagong Taon.”“Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”“Marami namang panahon. Huwag mong tapusin agad lahat. Di ka dapat magpagod, Bagong Taon pa naman.” Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang lagare at nagsalin ng alak. Matagal na pinalambutan ang paa ng manok kaya halos matanggal na sa buto ang mga laman nito. Tama naman ang pagkaluto, medyo matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw niya ang laman dito, at kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang panlasa. Maaaninag sa kaniyang bintana sa kaniyang likod ang pula at berdeng ilaw paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong kuntento sa kanilang buhay. Ano ang balak ng milyong taong ito ? Ano ang ipinagsasaya nila?Siguradong hindi siya kabilang sa kanila. Kung buhay si Ina, panahon iyon ng pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang kendi. Gustung-gusto niya iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t anim ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t hindi na siya halos makaupo, at ginugol niya ang buong hapon sa paglalakad sa laruan. Gayunman, kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kaniya. Malagkit ang mga kamay niya dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo na siya dahil sa alak.Lumabas siya at tumayo sandali sa bakuran. Walang lamig, walang hangin. Makulay ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako. Ang bakuran, na may mahigit sa pito o walong talampakan ang luwang, ay tulad ng balon sa ilalim ng kumikinang na bughaw na langit. Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong tunog na di-maintindihan. Naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na siya ng ganito sa TV – magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang hitsura nila. Kumikisay sila sa iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa kanilang kapangitan at ang mga awit nila ay ginagawang mga sigaw at halinghing. Magagandang babae lamang dapat ang ipinakikita sa TV, subalit maaaring nagkukulang na ng suplay. Bagaman lumalayo na si Huiquan sa mga babae, sumasagi pa rin sa isip niya ang imahen ng magagandang dalaga. Wala sa mga ito ang kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang utak – malalabong imahen na ang intensyon ay malinaw at tiyak. May mga panahon, natatanging panahon, kung kailan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa kaniyang isip ang mga imahen. Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay hindi niya mapasunod ang mga ito. Walang magawa, napilitan siyang tanggapin ang kaniyang kahinaan. Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding -- dingding ng banyo na ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng malalaswang pag-atake. Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang napapagsama nang maayos doon, pinupuwersa siyang harapin ang maruming katawan na pinipilit niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng Bagong Taon, idinagdag niya ang sarili niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding. Hindi pala ang mga babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim. Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ang kaniyang sarili. Magulo, siyempre pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di-komplikado. Mas maraming mapagtataguan sa kampo kaysa kaya nilang bilangin – taniman, maisan, daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na bukid – na ang tanging nagmamasid sa kaniya ay ang langit sa itaas at ang lupa sa ibaba. Nang naroon na siya, wala na siyang pagtingin kay Xiaofen, kaya wala nang direksyon ang kaniyang pagkahumaling. Bahala na. Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala siyang lakas para labanan ito.Pagod na siya. Paubos na ang mga pagputok. Ang madalang nang pagputok ay nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno na ang mg tao ng kasiyahan, pagkain, at laro, at oras ba para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya. Labas sa kaniyang mga pantasya, wala siyang makitang babae na karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.Si Luo Xiaofen, wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon. Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa Harbin kasama ng kaniyang nobyo, isang assistant sa kolehiyong normal, at isang gradwadong mag-aaral sa matematika si Luo – isang tambalang itinadhana ng langit. Ibinalita ni Tiya Luo, masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang dalawa sa Mayo.Si Luo Xiaofen – kababata ni Hiuquan, sabay silang nagelementarya hanggang gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang pagkakatulad. Nasa Harbin si Luo, samantalang siya, nasa kalyeng Spirit Run, sa isang madilim na sulok, gumagawa ng hamak na bagay. Ngunit ito ang tadhana.Hinahamak siyang lagi ng tadhana. Sa unang araw ng bagong taon, pinagkaabalahan niya ang kaniyang sasakyan, sa ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga sisidlang ginawa niya. Nagbisekleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para pag-aralan ang mga lokasyon nito. Sa ikalima pa ang takdang pagbubukas ng mga ito, tila pinagkaisahan siya. Walang magagawa hanggang sa araw na ito.Matapos sumulat sa Instruktor Politikal Xue at ipadala ang liham, dumaan si Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili ng mga kopya ng “Mga Multo sa Isang Lumang Sementeryo at Mga Babaeng Ahas”. Pagbalik sa bahay, humilata siya’t nagbasa habang kinaing-isa-isa ang saging. Nitong mga nagdaang araw, nakaubos siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at napapapunta sa inodoro buong araw. Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya makaalala ng istorya. Kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at kawili-wili pa rin sa ikalawang pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga libro, itinabi niya ito at ang mga pader ay tila blangko at maputla. Saging pa. Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor. Nakababato. Gayon pa rin bukas, at may pakialam ba siya ? Ano ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga? Parehong pangit; parehong patagu-tago.Ibinigay kay Huiquan ang pwesto sa may daanan sa timog ng Silangang tulay. Dito ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang pwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay hindi. Matapos niyang ayusin ang kaniyang tindahan, tinakpan niya iyon ng ambi at inayos ang kaniyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat nitong hilaga-timog. Nasa tapat mismo ng paradahan para sa Eastbridge Department Store. Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto. Wala isa man lang na tumingin sa kaniyang paninda. Pagod pa sa nagdaang okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin. Ang kaniyang designasyong ay Timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang mahabang yardang lugar. Ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.Napuno ng kulay berde sa kaniyang tindahan – isang bunton ng walong kulay-olibang kasuotang pang-army. Isinampay niya ang ilan, inilatag ang iba, at isinuot ang isa. Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan. Hindi maitinda ang mga kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass. Ang naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga angora, madaling naubos ang dalawampung piraso. Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda. Ang pakyawan ay tres-diyes. Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli, sais-beinte. Walang kinailangang magturo sa kaniya. Natuto siya nang iabot sa kaniya ng unang kostumer ang pera ; huwag kang matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang. Sumigla siya, sa kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, at napanatag siya. Sa wakas, isang bagay itong may kontrol siya.Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili. Para itong Ku Klux Klan na talukbong – mga mata lamang ang makikita – at iyon ang kailangan ng nagtitinda. Pakiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad ng misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng Eastbridge Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin, ilang oras na walang imik, walang kibot. May mga kostumer siya – hindi marami, kaunti – ngunit hindi na matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari siyang sigawan nito kapag nagpatuloy pa siya.“Sapatos na tatak-Perfection mula sa Shenzhen free economic zone. Sapatos, tatak-perfection, gawa sa Shenzen…” Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito. Narinig na niya ang ganitong pagtawag sa Gate ng Silangang Tsina at sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya alam kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa isip niya; hindi niya kaya. Ngayon, alam na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.“Mga blusang Batwing! Halikayo rito ! Tingnan ninyo !” Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan pang segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kaniyang kakaibang sigaw. Maipagkakamaling galing sa aso o sa kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga namimili.“Mga blusang Batwing! Seksi, seksi, seksi, mga babae!” Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin. Buong araw, binantayan niya ang kaniyang tindahan, mula umaga hanggang oras ng hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang pares ng sapatos kaya -- wala maliban sa dalawampung angora. Kahit iyon lang, ang may katandaang babae sa kaniyang kanan ay naiingit, dahil gayong mas matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo. Ang tindahan sa kaliwa ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na muntik nang mapaaway sa isang kostumer dahil sa isang jaket na balat. Ang sabi ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit ng tindero na tunay iyong balat. Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang bansa. Naubos na ang pasensya ng tindero. Alam ni Huiquan na tunay iyong balat, ngunit hindi siya nakihalo sa gulo. Walang dahilan para sumangkot. Nang ang lalaki ay nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang nagsindi, di niya pinansin ang lalaki. Wala siyang balak na mapalapit kaninuman. Kailangang mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.Siya ang huli sa hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon. Alas nuwebe na, kalahating oras matapos magsara ang department store. Madilim ang paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa gabi. Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binabantayan ng dalawang lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw; may lungkot at panghihinayang sa kanilang tinig.“Medyas na nylon, pasara na ! Otsenta sentimos ang isang pares … otsenta sentimos isang pares ! Paubos na ang medyas na nylon. Huling tawag ! Medyas na nylon …Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa direksyon ng tore ng pamilyang Hu. Pumedal ang isang tindero samantalang ang isa ay nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon. Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa. Ang kanilang mga tinig – isang mataas, isang mahina – ay iginala ng hangin sa gabi. Sa sumunod na araw, nakabenta siya ng muffler. Sa ikatlong araw, wala siyang naitinda. Sa ikaapat na araw, wala pang kalahating oras pagkabukas niya ng tindahan, nakapagbenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpintero na kababalik lamang sa Beijing mula sa timog. Pagkagaling sa Estasyon ng Beijing, tumungo sila sa hardware sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila ang Silangang-tulay, nagkulay talong ang kanilang labi dahil sa lamig. Naligtas ang kanilang mga balat ng kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay mabilis niyang isinilid sa kaniyang bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay niyang hinarap ang negosyo, ngunit nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga karpintero. Tiyaga ang susi para sa isang buhay na matatag. Kahit sa pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan ng pag-asa. Mas mabuting maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang makaaalam kung kalian kakatok ang oportunidad, Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay malas ka, hindi ba ? Nag-iisip si Huiquan.